"The idea that happiness could have a share in beauty would be too much of a good thing." --Walter Benjamin

Friday, April 15, 2005

Archive ko ito

Ito ay isang blog na hindi ko ipina-link kahit sa mga pinakamalalapit kong kaibigan. Dalawang tao lang ang nakakaalam nitong blog na ito (yun yung balak ko kaya lang may nag-link na isa sa kanila na binura na rin naman niya nung ni-reformat niya yung kanyang blog. pero wala namang kaso sa akin).

Diary sana ang unang purpose ng blog na ito. Kaya lang, sa ilang beses na pagkasira ng aking PC sa Laguna at sa mga nawawala kong ilan pang mahahalagang dokumento (tula, ilang short essays, critical papers para sa acads ko), napagdesisyunan kong i-post lahat ng mga puwede ko pang isalba sa blog na ito para may back-up kapag nagkanda-leche-leche ang buhay. Kasi, mas malamang sa malamang, hindi masisira iyong mga files ko dito. Hindi ko rin aksidenteng mabubura sa draft folder ko sa aking yahoo account (katulad ng dati ko nang ginagawa) kung saka-sakali.

Marami akong iiwanan ngayon. Kailangan ko nang maglipat-lipat, kasama roon pati pagdadala ng ilang dokumento, mahalaga man o hindi. Ayaw ko sanang mag-iwan ng files, lalo na dito sa Kule, (lalo na dun sa magiging susunod na EIC, hehehe)

Naisip ko nga kung ita-type ko yung tunay kong pangalan sa isang post o hindi. Kaya lang, baka kako may mag-plagiarize, at least dito, (kahit hindi naman ganun kagaganda) maari kong i-claim na akin talaga ang mga akda kasi may pangalan ko. Yung ilan naman dito napa-notarize ko na.

Kaya kung sakaling natunton mo ito, wala na naman siguro akong magagawa. Sige, welkam na lang po at huwag mo na lang ipagsasabi sa iba. Salamat!

Dulang May Iisang Yugto

kalipunan ng tula ni Carlos Piocos III

Mga Tauhan

Lukas
Alana
Tobias
Luna
Guiller

Lukas

Nakita ko kung paano magkatawang-apoy
ang mata at lumuha ng ningas na pulang-pula:
pulang pilik, pulang talukap at pulang irisa.

Sa kagyat ng Kisap, sinalo ng aking palad,
at ng sinisinat kong balat.ang matang-apoy:
Ito ang alamat ng dinadarang na Haplos.

Ang Kasaysayan ng Pag-ibig

ay isang seremonya ng Pagkatupok
sa lahat ng anyo ng apoy,
sa lahat ng uri ng pagkalamukos.

Titigan mong mabuti ang aking mga palad.
Huwag kang matakot:
Sapagkat mula sa abong ito, at sa mga tumakas

na alipato, ako’y muling magkakatawang-tao.

Tobias

Sabihin mong ikaw ay Bato
Balani at umpisahang likumin
ang iyong mundo mula sa kapangyarihan ng panginurin
ng iyong Halina: alpombrang paningin –
garapa, papel, bakal, buhangin
laway, pawis, gasolina, dugo.
Hayaang mapagkit ng iyong balat
ang nginig ng lahat ng elemento.

Bilugin ang iyong Lawak at Layo
sa Lawas ng kinuyom na palad
na parang mababasag na puso.

Makikipagniig ang Lamig
sa iyong daigdig: solido, kongkreto.
Hindi matitinag ng Init.

Tumitig ka sa malayo: Silaw
(ang Gunaw sa pagkatunaw).
Sa Paltos at Lapnos ng matang-langit,
Hamunin mo ang helios.

Asintahin mo ang Init.

Alana

Ang mga Walang Bagabag lamang
ang lumilingon sa Balon
na ito upang hipuin kung kasabay ng pintig
ng puso ang tibok ng rabaw ng alon.

Kaya nangahas kang sumilip at tuklasin kung paano
mapupukaw ng garalgal mong tinig
ang nahihimbing nang tubig –
ang galawgaw ng iyong alingawngaw

at ang paghubog ng iyong wangis
sa tunog ng iyong Pangalan.
Parang alimbukay ng mga patay
ang tawag ng pagpapatihulog.

Ang mga Walang Takot lamang
ang tumititig sa Balon
na ito, ang katulad mong hindi nagigimbal
sa tuwing nakikita ang iyong salamisim

na lumulutang sa pagkalunod.

Luna

Sa gabi lang buhay ang buhok.

Kaya sa iyong pagtulog, itala mo sa bawat hibla
ang iyong panaginip. Sapagkat matagal mo nang
nasusukat ang haba ng gabi
sa balabal ng iyong antok.

Kaya natutunan mo kung paano
ginugupit ang tikwas ng bungang-isip,
at pinapagpag ang balakubak ng madilim
na langit sa pagal mong anit.

Kapag napupuyat, nalaman mo
ang batas ng isandaang pagsusuklay nang nakapikit
hanggang mapatahan ng walanghanggang haplos
ang hilahil ng iyong buhok.

Kapag natakam sa panagimpan,
Natuklasan mo kung paano tataluntunin
ang nilakbay ng iyong pagkahimbing
sa pagtatali ng pusod bilang parusa
sa likot ng kinathang-isip.

Ang tawag mo rito ay Pagpapantay
mula sa pagtutok sa sintido at pagkayod ng ulo.
Ang tamang paghagod pagkalipas ng hangin.
Ang pagtutuwid ng Isip sa atas ng pagbalik-

Balik mula tuktok, pababa
mula sa simula ng pag-usbong
hanggang sa mga nasusukat ng pagtanda –
Ang tamang Pag-antanda.

Ngunit ito ang pakatatandaan na sa iyong pagtulog:
Sanhi ng pagkabulag ang basang buhok.

Guiller

Nagbabalik sa sinapupunan ng Ina ang lahat
ng inanak. Kaya nagpanikluhod ka at hinalikan
ang pusod ng lupa. Bilang Pagpupugay.

Mula rito natuklasan mo na sa malayo
ay may nagaganap na digma. Los ojos
Rojo: sa Gitna ng mga Pulang Mata

ay isang palukob na Bilog. Isang senyal
ng pangungobkob. Sapat na sa pantas
ang sapantaha. Ngunit para sa iyo,

pulang mandirigma, naisusulat na sa hangin
ang signos ng mga magaganap. Los ojos
cuatros: Apat na Mata para sa Apat

na Sulok. Ang Kahon ng Lahat ng Tao
ay isang Tatsulok – tatlong Persona,
sa gitna ng Unos, may sumusungkit sa Mata

isang sundang na tala. Amoy pulbura.
Apoy sa langit na tanikala,
Ang alimuom ay amoy gasolina.

Nagbabalik sa sinapupunan ng Ina
ang lahat ng inanak ng lupa. Mula sa lahat
ng taong-lupa ang pagpupugay

at ang simula ng pagsusunog.

Kapanahunan

Ang Kasalukuyang Panahon
Sa panahong ito, pinakamalapit ang distansiya
ng hemispera ng mundo sa araw.
Umaakmang makikipagniig ang araw sa mundo,
habang isang dipa lamang ang layo ng light years.

Humahalik ang langit
sa lahat ng mga bagay na maiinit,
at ang Kalahatan ng mga bagay
ay nadadarang sa katanghalian ng alinsangan.

Ang init ang umpisa ng reaksyon sa lahat ng elemento.
Pinakamaligalig ang mga molekulo
sa mga temperaturang lumalampas ng 37o C,
pumapagkit sa balat ang lagkit
ng Marsoabrilmayo.

sorbetes–
–pawis
– alaala –
– sigarilyo
wax­–
– pangarap
– gasolina–

dugo –

May nauupos, may natutunaw, may kumukulo.
May umaalsa at nag-aalsa –
balutan.

Lagi’t laging may tumatakas.
Sa espasyo ng sasampung linggo.

Tagpuan

Ext.
Nagtitimpi ang lansangan
sa alinsangan ng panahon.
Parang may aalagwang magma
sa mukha ng itim na itim na aspalto.

Sa tapat ng katanghalian, binubungkal ang lupa.
Dinudurog ng mga makina ang bato at buhangin,
tila baliw na naghahanap ng tubig.

Habang ang langit –
ang dilaw-anemikong langit :
Ipinili nitong mawalan ng dugo
at makipagtitigan mula sa kanyang luklukan
sa kapatagan. Tumitig
nang tumitig hanggang matuyot sa init
ng kanyang paningin ang mga tagalupa.
Ganito mahihinog ang kapanahunan,
sa pakikipagtitigan.
Hanggang ang mga bulaklak
ng nabubulok na kabalyero
ay magsipagpalipad-hangin sa kalsada,
bitbit sa pagbulwak ang mga higad
at uod ng pagkabulok.

Mga nag-aabang na uwak
ang mangilan-ngilang tipak ng ulap.
Paminsan-minsang aambon.
Sa gitna ng bantot ng alimuom,
ng alingasaw ng Alinlangan,
may ikakasal na tikbalang.
Kasabay sa pagkakataong ito ang kapanganakan
ng mga Pangalan.
Hihiwalay ang mga pangalan
at magsasakatawang-tao.
Pangalang walang pangngalan,
walang pinanggagalingan.
Bibinyagan ito ng salaysay
at isasaentablado.

Ngunit sa huling tagpuan,
walang matatagpuan.
Ang lahat ay Anonimo-
anino lang at mga pangngalan.

Mga Eksena

Una, Solilokwe ni Lukas
Pangalawa, si Lukas kay Alana
Pangatlo, si Lukas kay Tobias
Pang-apat, si Lukas kay Luna
Pang-lima, si Lukas kay Guiller

Una, Solilokwe ni Lukas

(sa Isang Panaginip kasama si Lorca)


Minsan, ako’y nagtaka
bung bakit binabaklas mo
ang mga tadyang na bakal
ng iyong teatro.
Sinagot mo ako ng isang hingal,
At sinabing “Kailangan ko.”

Hindi ko maintindihan.
Gaya ng di ko pagkaunawa sa panunugat
mo ng langit sa talim
ng pesca la luna,
gaya ng pagpako
sa krus ng mga bakla,
gaya ng mga kabayong nagwawala.

Ito ba ang iyong talinhaga?
Nagiging papel ang iyong semento, lapida
at lona, at ginagawa mong biktima
ang iyong mambabasang
pilit huhuli sa iyong mga agila,
uwak, kabayo at mariposa?

“Oo, ito ang aking tanghalan
at bago mo hulihin ang aking metapora,
hayaan munang ang dugo’y maging gasolina,
ang hininga’y maging pulbura
at ang iyong balat ay maging goma,
nang makapaglayag sa layak
ang liyab ng iyong diwa.

At totoo nga.
Dahil tulad ng iyong panata
sa pakikipagniig sa iyong gitara,
sa kahel na langit, at sa lupa,
inukit mo ang iyong katawan
sa ilalim ng giniba mong bulwagan.


Cuando yo me muera
Enterradme con mi guitarra
Bajo la arena.

Cuando yo me muera
Entre los naranjos
Y la hierbabuena.

Cuando yo me muera
Enterradme si queries
En una veleta.

¡Cuando yo me muera![1]

Sa gabing ito, Federico Garcia Lorca,
pinaluluha mo ang mga puno ng naranja.


[1] Memento ni Federico Garcia Lorca

Pangalawa, Si Lukas kay Alana

Nangingintab ang tulay sa sinag ng buwan.
Sumandal ka sa gilid at sinilip ang ilog –
isang mahabang daluyong ng mga anino.

Sa dulo, ang iyong destinasyon:
isang lalaking nakatayo.
Balot ng itim na maskara ang kanyang mukha,
hawak ng kanang kamay ang punyal,
kumikinang sa dugo ang talim
ng panganib. Sa kaliwang kamay,
isang pugot na ulo.

Sa hudyat ng iyong buntong-hininga
tumakbo ang lalaki sa iyong kinatatayuan.
Sa iyong talampakan, naramdaman mo
ang hangos ng kanyang yabag,
isang nakakabinging hugong ng pangamba.

Tumakbo ka palayo.

Nagsulputan sa tulay ang mga kamay-
aspaltong humuhuli sa kanyang mga paa.
Pinilit mo silang apakan at takasan
makalayo lamang sa lalaki, makalayo lamang
sa sakmal ng saksak at talim ng Takot.
Pinilit mong tumakbo hanggang wala ka nang matakbuhan –
nagsara ang magkabilang-dulo ng tulay.

Paglingon, agad sinalubong ng iyong tiyan
ang tulos ng lalaki. Nakita mong bumulwak
sa iyong puson ang pulang-pulang dugo,
namanhid ka sa dami ng dugong
maaring tumakas sa iyong katawan.

At nang mapatakan ng iyong dugo ang tulay,
unti-unting nangagbitak ang kongkreto,
nangagdurog ang mga semento,
natunaw ang aspalto, at naagnas at nagkalasog-
lasog ang mga malalaking bakal at matitigas na bato.

Tuluyan nang bumagsak ang tulay,
kasama ang marahang pag-imbulog
ng iyong duguang katawan. Kasabay ng paglutang
ng punyal at pugot na ulo.
Napakatagal ng unang dampi ng mabatong ilog ng anino.

Pangatlo, Si Lukas kay Tobias

Sa isang sulok, natuto
kang umibig sa isang bato.

Dinampot mo ang iyong sinusuyo
at pinakiramdaman kung ito'y titibok
sa iyong pagbulong.
Gaya ng inaasahan, hindi kumibot ang bato
sa iyong pagkakahawak.

Ikinuyom mo ang iyong palad
bilang isang pagyakap.
Malamig ang lawas ng iyong iniibig.
Kaya sinubukan mo itong idarang sa iyong dibdib.
Sa kauna-unahang pagkakataon,
nagkaroon ng puso ang tagalupa.
Isang pusong walang kinikilalang pintig.

Naglakad-lakad ka,
Inilibot ang iyong bagong puso
at ipinamalas rito ang lahat ng mga bagay
na hindi sakop ng dati nitong panginurin.

Ngunit hindi natitinag ang bato.
Ang bato ay bato sa lahat ng panahon.

Muli mo itong dinukot,
at sa diin ng iyong kapit,
sinubukan mo itong madurog.

Tumingin ka sa orisonte ng dapithapon.
Magdidilim na, kailangan mo nang umuwi.

Sa halinhinang poot at pag-ibig,
lunggati at ligalig, ipinukol mo
ang lahat ng iyong inibig sa langit.

Pang-apat, Si Lukas kay Luna

Nakasabit ka, sambit mo,
sa laylayan ng sarili mong palda.

Dito tinitistis ang bait
at sinusukat ng tela
ang tinatastas mong pasensiya.

Kayhaba ng saya mo noon,
sutlang alon sa pulang daluyong.
O, anong banal ng iyong balabal
sa harap ng dambana.
O, anong dalisay
ng pinili mong traje de boda.
Puti kang di pa
nakukula ng panahon.
Ngayon, ano’t naninilaw na
ang iyong kamison?
At ang iyong daster
ay panghawan na ng dusta,
panyong sumasalo sa iyong mga luha.
Paano pa’t balot ka
mula baywang hanggang tuhod,
kung sa sarili mong sahid ka nakatanghod?

Saplot kang humahabi
ng hininga’t ginhawa, hapis at tuwa,
sa loob ng pugad na iyong ginawa.
Adornong nagtatagpi
ng mga bagong damit
sa mga tinitistis mong mga sinulid.

Ngunit di maaring sulsihin
ang sariling suot,
ang sariling disenyong
binuhol na sa limot.

Panglima, Si Lukas kay Guiller

“For history is not the absence for us. It is a vertigo… we do not see it stretch into our past and calmly take us into tomorrow, but it explodes in us as a compact mass, pushing through a dimension of emptiness where we must with difficulty and pain put it all back together.”
Edouard Glissant in Carribean Discourses


Gaano ka-blangko ang puting papel?
Tanong mo.
Hindi kasing blangko ng palad mo,
Sagot ko.

Hindi puting patlang ng kawalan
ang iyong nakikita,
hanapin ang mga lamat
sa malinis na mukha ng iyong hawak-hawak
at dito’y mababanaag ang mga pilat.
Hindi naghihilom ang mga sugat
sa tuwing tinatalunton ng pagdalumat
ang landas ng mga bitak.

Gusto mong sulatan ang blangkong
papel ng mga anag-ag ng iyong alaala?
Punuin ng kuwento’t tudling
na isinilid sa iyong memorya?
Paano mo uumpisahan
ang iyong talambuhay
na may tumpak na simula
at tatapusin sa siguradong wakas,
gayong hindi mo mahuli
ang mga sandaling maiilap?

Paano mo isusulat ang mga salaysay
kung ang papel na iyong hawak
ay isa nang malawak na dagat,
eternal ang daluyong
ng mga salaysay sa iyong balintataw
inaalon ng pangamba.
Kilapsaw ang mga sandali
sa iyong palad
kisapmatang nawawala.
Hindi mo na magagap
kahit sarili mong istorya.

Gaano ka-blangko ang blangkong papel?
Tanong mo,
sabay lumalagok ng tubig sa baso.
At napuno ng mga labi
Ang isang piraso ng malinis na papel.
Sabik nang magsalita
ang umid nitong dila,
natitigang sa iyong basang tinta.

Hindi kasing-blangko ng mga palad mo.
Sagot ko.
At nakita kong gumatla
ang mga ugat sa iyong noo,
at umapaw ang luhang
kinimkim ng iyong mga mata.

Dito ka magsisimula.
Hindi sa blangkong papel
Kundi sa mapagpalayang gunita.