Ang Historyador
Ano’t bakit laging kaylapit ng buntong-hininga
sa isang papel, ngunit kaylawak naman ng mundong
namamagitan sa di-mapunuang agwat?
Natatanaw niya sa hubad nitong kaputian
ang isang malawak na lawa, ang panginurin
ng dulo ng dagat na isang tuwid na tuwid
na linya, ang kumikinang na malayong dalampasigan
at mayamaya, ang malabong hubog ng bundok,
ang ilang naliligaw na galamay ng punong niyog.
Pagkatapos, niyo’y ang ginintuang buhanginan, ang pampang,
ang bangka, ang mga mangingisdang namamalakaya
at mga asawang naghihintay sa di-maapuhap na diwa
ng Historyador. Tunay na kaylayo ng distansiya
ng blangkong pilas sa mata ng Tagatala.
Isang malawak na dagat na puti’t tahimik
na naghihintay mabuntis. Saan ipapako ang lapis? Saan nakatuon
ang timon? Kailan namamahinga ang walang tigil
na paglikha? Kailan mabubulok na parang napupulbos na buto
ang mga isda? Kailan lulutang ang mabibigat na korales
para bumuo ng mga bagong isla, bagong kontinente,
bagong sibilisasyong sinupling ng karagatan
ng ating mga pag-ibig at paglimot? At ano ang ipapangalan
sa mga ipinanganay nating lupain, anong ibabansag sa mga bagong bansa
ng ating mga poot at ligaya? Saan natin iguguhit ang mga ito sa lawak
ng balat ng dagat? Matutunton kaya natin ito sa sandaling dumighay
ang lupa, umalsa ang dagat, lumindol, kumulog at kumidlat?
Ililigaw ba tayo ng malilikot na mga bitak, tupi, lawas, suson,
laman, bukol at kuweba ng ating mga katawan? Sa kisame,
matamang nakaamba ang butiki, tumitikatik ng pagsisisi
sa kanyang ngalangala at nakabanta ang kanyang ipot
sa lamesa. Nagmamadali naman sa paghabi
ng agiw ang gagamba sa isang sulok ng bubong,
nag-aabang ng malalampasan ng butiki at pangahas
na maglalambitin sa nilikha niyang sapot;
wala siyang huli sa magdamag kundi alikabok.
Kumakapit ang panahon sa nakasabit na agiw –
sa loob ng tahimik na silid na may ilang aklat
sa siksikang eskaparate, mga lukot ng papel sa sahig,
Isang lamesita, isang gasera, isang hubad na pahinang
magdidikta sa katanghaliang-tapat ng mga tadhana, ng mga pangyayari,
ng mga pagkakataong hindi mapagdugtung-dugtong ng Historyador.
Sadyang napakalawak ng di-makitang pagitan!
0 Comments:
Post a Comment
<< Home