Ang Uniberso Ayon Sa
1. alamat ng apoy
hayaan mong ipagaspas ko itong mga pakpak
sapagkat hindi pa naman ako lilipad
mananatili muna ako dito sa kandong ng mga kahoy
at magdamag na magpapakitang-gilas.
nandito ako sa iyong harap sapagkat ako’y tinawag
ng nilalamig mong mga palad, sagasa ng dalawang bato
at tumpok ng mga kahoy at dahong tuyo. kung nais mong
malaman, nagsimula ang aking alaala sa isang kidlat,
nang pinunit ng liwanag ang nangungulilang puno,
at noon ri’y ako’y ipinanganak at dumapo sa biyak
ng unang panahon, dinala sa loob ng kuweba upang mabuhay
magpasawalang-hanggan, upang tupukin ang lahat ng nangahas
lumapit: tubig, tinapay, gasolina, nilugay na buhok, reliko ng buto,
mga kubo, palayan, tulay, dantaong mga digmaan at sanlaksang gamu-gamo.
amuhin mo ako, tawagin mo akong upos, paso, puso, lapnos
tawagin mo akong haplos, halik, galit, pusok, bubog at dugo
tawagin mo ako sa mga pangalang hindi ko pa naririnig
binyagan mo akong Federico at yayakapin ko ang iyong gunita,
isusulat sa hangin ang isang tula – usok. itaboy mo ako
nang lalo akong lumapit, itapat mo ang mata sa iyong palad
nang lalo akong tumitig – init. ikakalahig ko ang aking mga kuko
sa lupa at maghuhukay ng sarili kong libingan – abo.
kapag naparam na ang iyong titig at nagpawis ang noo,
saka ako maglalaho sa abo, o ang abo, ang napakagandang abo.
2. testimonya ng tubig
Inihulog ang Unang Salita sa balon, nilulon
ng lalim ng dilim ang tinig: isang halak ng plema
sa pagtagas ng hininga, isang hiling ng pag-ibig sa isang kusing
ng barya. Esta es mi voz. Oiga. Toca el agua. Umalingawngaw
ang sanlaksang kalansing sa salaming-tubig at ako’y nagkatinig
at sinimulan ng aking ulang hubdan ng memorya ang daigdig.
Kung tatanungin mo ako kung ano ang aking pangalan
sasabihin kong Federico, ikinanlong ng alon ng unang dantaon.
Kung tatanungin mo ako kung saan ako nagmula
sasabihin kong nanganak ang ilog ng isang dagat ng luha at nakalimot.
Kung tatanungin mo ako kung sinong maygawa
sasabihin kong ang lahat ay maysala at silang lahat ay naghugas-kamay.
Kung tatanungin mo ako kung kailan naganap ang lahat
sasabihin kong madalas maglagos sa aking pusod ang liwanag.
Kung tatanungin mo ako kung ano ang aking naaalala
sasabihin kong agad naghihilom ang mga alon, puno ng pilat ang buhangin.
Kung tatanungin mo ako kung ano ang kasaysayan
Sasabihin kong mga naiwang lasa ng kalawang sa dila at natuyong lalamunan.
Kung tatanungin mo ako kung ano ang pag-ibig
Sasabihin kong nabingi ang lahat ng sumisid sa itim na perlas, binasag
ng patak ng grabedad ang pananalamin ng lalaki, at siya’y hindi na kailanman
umahon sa pagkalulong sa rikit. Wala nang makababalik isa man sa kanila.
3. bersiyon ng batobalani
sa isang sulok, natuto kang umibig
sa isang bato. dinampot mo ang iyong sinusuyo,
tinawag itong Federico, at pinakiramdaman
kung ito'y titibok sa iyong pagbulong.
gaya ng inaasahan, hindi kumibot
ang bato sa iyong pagkakahawak.
ikinuyom mo ang iyong palad
bilang isang pagyakap.
malamig ang lawas ng iyong iniibig.
kaya sinubukan mo itong idarang sa iyong dibdib.
sa kauna-unahang pagkakataon,
nagkaroon ng puso ang tagalupa.
isang pusong walang kinikilalang pintig.
naglakad-lakad ka, Inilibot ang iyong bagong puso
at ipinamalas rito ang lahat ng mga bagay
na hindi sakop ng dati nitong panginurin.
ngunit hindi natitinag ang bato.
ang bato ay bato sa lahat ng panahon.
muli mo itong dinukot, at sa diin ng iyong kapit,
sinubukan mo itong madurog.
tumingin ka sa orisonte ng dapithapon.
magdidilim na, kailangan mo nang umuwi.
sa halinhinang poot at pag-ibig, lunggati at ligalig,
ipinukol mo ang lahat ng iyong inibig sa langit.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home