Mga Pangkaraniwang Lungkot
Marahil ito na ang aking huling liham.
Pagkatapos mo itong mabasa,
mangyari lamang na ito’y lamukusi’t bilutin
at saka ilublob sa lalim ng ilog
nang ito’y matunaw, magsatubig at umagos.
Bukod sa pangalan, lagda at lunan,
kalakip ng sulat na ito ang lahat ng aking mga pangkaraniwang lungkot:
lukot-lukot na ulap, isang itim na balahibo ng uwak,
isang pinggang may pingas sa labi, larawan ng matandang simbahan,
tatlong tinuping bulaklak, at isang pares ng natuyong pakpak ng paru-paro.
Ito na lamang ang naiwan,
at ang lahat ng ito’y ipinauubaya ko na sa iyo.
Ganito marahil isinulat ng mga pantas ang kasaysayan.
Nagsisimula muna sa mahal kong patlang, bubuntong-hininga,
at susundan ng maligayang pagbati, pangungumusta
at pag-uusisa sa kasalukuyang kalagayan,
bago maghalungkat ng nawaglit na kasulatang nadaganan
sa ilalim ng punda ng kama, o di kaya’y tantiyahin
sa panginurin ang mga posibilidad ng mga nagbabagang balita.
At kahit hindi hinihingi ng mambabasa, babalik silang lahat sa kanilang silid
upang magsulat, sa kani-kanilang sarili bilang sentro
de grabedad ng lahat, katulad na lamang nito: Ako?
Maayos naman ako. Kahit na sa kalaliman ng gabi, gabi-
gabi, ay dinadalaw ako ng matinding sikat ng liwanag at isang mabangis
na anghel sa tatlong pangalan: Labis-Labis na Alindog, Labis-Labis na Pusok,
Labis-Labis na Libog.
Nililimas niya ang lahat ng kanyang mahawakan, mula sa aking antok,
pawis, panis na laway, tsinelas at saplot, maging ang aking alaala
at bungang-tulog ay sapilitan niyang kinukumpiska’t isinasalin sa wikang
tanging mga kuliglig lamang at gagamba ang nakapapangusap.
Hindi lamang iyon. Humihingi ako sa iyo ng paumanhin, konting panahon
at pasensiya. Ipagdamot mo ang ilan ko pang balita.
Nais kong banggitin na ang aking mga kasama’y naglaho nang lahat,
nilamon ng hamog at usok. Na binubura ng takot, gutom at tutok ng baril
ang buong lungsod. Na naulol ang historyador sa pagbibilang ng mga lumulutang
na katawan. Na nagnanaknak na langib ang siyudad sa katanghaliang-tapat.
Na umaalingasaw ang lamang-loob ng sementeryo kapag bilog ang buwan.
Na kailangan kong maligo bago matulog upang maalis ang libag, langis
at lumot ng maghapo’t magdamag sa aking balat.
Higit sa lahat, nais kong sabihin na ako’y hindi makatulog sa labis na pag-aalala.
Ngunit hindi ko matandaan ang sanhi ng aking mga pagkabalisa.
Kaya naiiwan akong mulagat at nilalagnat sa madaling-araw
hawak-hawak itong sulat at ang hungkag kong pagkapuyat.
Iyon laman naman at nawa’y nasa mabuti kang kalagayan.
Nawa’y naramdaman mo ang nakapapasong halik
na nagtikom sa sobreng ito, bago mamaalam,
Bago ang nagmamahal o lubos na gumagalang,
Bago matapos ang lahat sa iisang pangalan.
2 Comments:
muling nangungusap ang anino sa wika ng mga anghel, pantas at bulaang propeta... naghihintay ng trompeta...wahahaha..
isa na namang tanghali ng pangkaraniwang lungkot... hehehehe...
10:22 PM
vans shoes
adidas stan smith
nike air max
jordan 1 off white
moncler outlet
kevin durant shoes
nike cortez
yeezy boost 350 v2
kd 12
nfl jerseys
8:28 AM
Post a Comment
<< Home