Mga Tala sa Balarila
Paano nahahawakan ng mga labi ng lapi ang mga bagay na kaydulas sa kamay? Paano nahuhuli ang diwa ng pandiwa, anong galaw? anong pagkilos? anong pag-abot?
Paano inangkin ang Ngalan sa isang pangalan, paano ito naisilang, naipakilala nang may buong kasiguraduhan, tawagin at amuhin, tawagin at palapitin, tawagin at pasunurin?
At paano ito isinawalang-bahala, paano ginawang anonimo’t nawalan ng mukha-katauhan-kaluluwa at ibinura ng mga kawalang-katiyakan, ng mga bagay na panandalian, ng mga kinaligtaan at sa halip na malirip at maalalala sa isang tabi sa isang silid ng isang gunita, ay ipinanghalip ng palayaw ng mga pangkaraniwang pangngalan?
*
Bakit kaydami ng salitang Ito, ang Ito at ang mga Ito,
upang buong katiyakang ipanduro sa mga bagay na hindi naman sigurado,
may bigat ang iyong bigkas na tila ba’y ika’y tiyak na tiyak.
At tatantiyahin ko ang mga Ito’t ito
Bilang ang aking Lahat: absoluto at ganap.
Uulit-ulitin ko ang mga salitang ito hindi dahil ito
Lamang ang mayroon ako, ngunit sa kayamanan
Ng mga pantig at sa karukhaan ng mga pintig
Itinatatatak ko sa iyong isip ang kalabisan ng titik,
Ang lubhang kalabisan ng pag-uulit-ulit.
*
Bakit kaylapit ng salitang halika sa halik?
Ngunit bakit sa tuwing ikaw ay tatawagin ko
Sa aking tabi, halika sa aking tabi,
Sapagkat nanginginig ang kama sa titig ng gabi,
Halika, sapagkat nais kong sabihin ang halika
Nang paulit-ulit, halika, halika, hayaang mapuno
Ng halika itong madilim na silid
Sasagot ka ng katahimikang bitbit ang buong daigdig
At tila isang uniberso ang pagitan ng ating mga bibig.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home