"The idea that happiness could have a share in beauty would be too much of a good thing." --Walter Benjamin

Wednesday, June 06, 2007

Morpolohiya

Binuo sa isang buntong-hininga ang buong mundo,
At dito nagmula ang kasaysayan ng sanlibutan.
Noong unang panahon,
Nang hinahagilap pa lamang ng bibig ang daigdig
ay dumulas ang Wika at santinakpan sa ngalangala
upang bigyang-ngalan at magkatawang-moog
ang mga lugar na mahirap matunton
ang mga bago’t di matuklas-tuklasang sibilisasyon.
Hinanap ng labi ang tubig, hangin, bato at buhangin
at sinalat ng dila ang balat
ng salita ng Sinaunang Panahon:
Ito ba ang talampakan? Hindi. Ito ang talampas
na binaligtad upang halikan ang lupa.
Ito ba ang tuhod? Hindi. Ito ang matandang bundok
na lumuhod. Ito ba ang hita? Hindi. Ito ang gulod
ng kambal na ilog na sumupling sa kabihasnang
matagal nang naglaho. Ito ba ang pusod? Hindi.
Ito ang mababaw na balon na kumikislot
sa mga ligaw na haplos. Ito ba ang tiyan?
Hindi. Ito ang malawak na kapatagang madalas
lumundag sa paghila ng buwan. Ito ba
ang dibdib? Hindi. Ito ang malakas na grabedad
sa ilalim ng dagat, ang puwersang humuli’t humalina,
nagkuyom at nagsaboy sa lahat ng planeta,
sa araw, buwan at ilang bilyong tala, sa kapangyarihan
ng mabagal at marahas na rebolusyon ng nanginginig
at nagniig na lawak ng uniberso. At ano ang laman
nito, isang buto, butil, binhi, kamao o puso?

Hindi. Ito ang bingit ng daigdig, isang banging
Kumanlong sa madilim at malalim na malalim na
Sikreto.

Mga Tala sa Balarila

Paano nahahawakan ng mga labi ng lapi ang mga bagay na kaydulas sa kamay? Paano nahuhuli ang diwa ng pandiwa, anong galaw? anong pagkilos? anong pag-abot?

Paano inangkin ang Ngalan sa isang pangalan, paano ito naisilang, naipakilala nang may buong kasiguraduhan, tawagin at amuhin, tawagin at palapitin, tawagin at pasunurin?

At paano ito isinawalang-bahala, paano ginawang anonimo’t nawalan ng mukha-katauhan-kaluluwa at ibinura ng mga kawalang-katiyakan, ng mga bagay na panandalian, ng mga kinaligtaan at sa halip na malirip at maalalala sa isang tabi sa isang silid ng isang gunita, ay ipinanghalip ng palayaw ng mga pangkaraniwang pangngalan?


*

Bakit kaydami ng salitang Ito, ang Ito at ang mga Ito,
upang buong katiyakang ipanduro sa mga bagay na hindi naman sigurado,
may bigat ang iyong bigkas na tila ba’y ika’y tiyak na tiyak.
At tatantiyahin ko ang mga Ito’t ito
Bilang ang aking Lahat: absoluto at ganap.
Uulit-ulitin ko ang mga salitang ito hindi dahil ito
Lamang ang mayroon ako, ngunit sa kayamanan
Ng mga pantig at sa karukhaan ng mga pintig
Itinatatatak ko sa iyong isip ang kalabisan ng titik,
Ang lubhang kalabisan ng pag-uulit-ulit.

*

Bakit kaylapit ng salitang halika sa halik?
Ngunit bakit sa tuwing ikaw ay tatawagin ko
Sa aking tabi, halika sa aking tabi,
Sapagkat nanginginig ang kama sa titig ng gabi,
Halika, sapagkat nais kong sabihin ang halika
Nang paulit-ulit, halika, halika, hayaang mapuno
Ng halika itong madilim na silid

Sasagot ka ng katahimikang bitbit ang buong daigdig
At tila isang uniberso ang pagitan ng ating mga bibig.

Ang Historyador

Ano’t bakit laging kaylapit ng buntong-hininga
sa isang papel, ngunit kaylawak naman ng mundong
namamagitan sa di-mapunuang agwat?

Natatanaw niya sa hubad nitong kaputian
ang isang malawak na lawa, ang panginurin
ng dulo ng dagat na isang tuwid na tuwid

na linya, ang kumikinang na malayong dalampasigan
at mayamaya, ang malabong hubog ng bundok,
ang ilang naliligaw na galamay ng punong niyog.

Pagkatapos, niyo’y ang ginintuang buhanginan, ang pampang,
ang bangka, ang mga mangingisdang namamalakaya
at mga asawang naghihintay sa di-maapuhap na diwa

ng Historyador. Tunay na kaylayo ng distansiya
ng blangkong pilas sa mata ng Tagatala.
Isang malawak na dagat na puti’t tahimik


na naghihintay mabuntis. Saan ipapako ang lapis? Saan nakatuon
ang timon? Kailan namamahinga ang walang tigil
na paglikha? Kailan mabubulok na parang napupulbos na buto

ang mga isda? Kailan lulutang ang mabibigat na korales
para bumuo ng mga bagong isla, bagong kontinente,
bagong sibilisasyong sinupling ng karagatan

ng ating mga pag-ibig at paglimot? At ano ang ipapangalan
sa mga ipinanganay nating lupain, anong ibabansag sa mga bagong bansa
ng ating mga poot at ligaya? Saan natin iguguhit ang mga ito sa lawak

ng balat ng dagat? Matutunton kaya natin ito sa sandaling dumighay
ang lupa, umalsa ang dagat, lumindol, kumulog at kumidlat?
Ililigaw ba tayo ng malilikot na mga bitak, tupi, lawas, suson,

laman, bukol at kuweba ng ating mga katawan? Sa kisame,
matamang nakaamba ang butiki, tumitikatik ng pagsisisi
sa kanyang ngalangala at nakabanta ang kanyang ipot

sa lamesa. Nagmamadali naman sa paghabi
ng agiw ang gagamba sa isang sulok ng bubong,
nag-aabang ng malalampasan ng butiki at pangahas

na maglalambitin sa nilikha niyang sapot;
wala siyang huli sa magdamag kundi alikabok.
Kumakapit ang panahon sa nakasabit na agiw –

sa loob ng tahimik na silid na may ilang aklat
sa siksikang eskaparate, mga lukot ng papel sa sahig,
Isang lamesita, isang gasera, isang hubad na pahinang

magdidikta sa katanghaliang-tapat ng mga tadhana, ng mga pangyayari,
ng mga pagkakataong hindi mapagdugtung-dugtong ng Historyador.
Sadyang napakalawak ng di-makitang pagitan!

Wednesday, October 04, 2006

Ang Uniberso Ayon Sa

1. alamat ng apoy

hayaan mong ipagaspas ko itong mga pakpak
sapagkat hindi pa naman ako lilipad

mananatili muna ako dito sa kandong ng mga kahoy
at magdamag na magpapakitang-gilas.

nandito ako sa iyong harap sapagkat ako’y tinawag
ng nilalamig mong mga palad, sagasa ng dalawang bato

at tumpok ng mga kahoy at dahong tuyo. kung nais mong
malaman, nagsimula ang aking alaala sa isang kidlat,

nang pinunit ng liwanag ang nangungulilang puno,
at noon ri’y ako’y ipinanganak at dumapo sa biyak

ng unang panahon, dinala sa loob ng kuweba upang mabuhay
magpasawalang-hanggan, upang tupukin ang lahat ng nangahas

lumapit: tubig, tinapay, gasolina, nilugay na buhok, reliko ng buto,
mga kubo, palayan, tulay, dantaong mga digmaan at sanlaksang gamu-gamo.

amuhin mo ako, tawagin mo akong upos, paso, puso, lapnos
tawagin mo akong haplos, halik, galit, pusok, bubog at dugo

tawagin mo ako sa mga pangalang hindi ko pa naririnig
binyagan mo akong Federico at yayakapin ko ang iyong gunita,

isusulat sa hangin ang isang tula – usok. itaboy mo ako
nang lalo akong lumapit, itapat mo ang mata sa iyong palad

nang lalo akong tumitig – init. ikakalahig ko ang aking mga kuko
sa lupa at maghuhukay ng sarili kong libingan – abo.

kapag naparam na ang iyong titig at nagpawis ang noo,
saka ako maglalaho sa abo, o ang abo, ang napakagandang abo.


2. testimonya ng tubig

Inihulog ang Unang Salita sa balon, nilulon
ng lalim ng dilim ang tinig: isang halak ng plema

sa pagtagas ng hininga, isang hiling ng pag-ibig sa isang kusing
ng barya. Esta es mi voz. Oiga. Toca el agua. Umalingawngaw

ang sanlaksang kalansing sa salaming-tubig at ako’y nagkatinig
at sinimulan ng aking ulang hubdan ng memorya ang daigdig.

Kung tatanungin mo ako kung ano ang aking pangalan
sasabihin kong Federico, ikinanlong ng alon ng unang dantaon.

Kung tatanungin mo ako kung saan ako nagmula
sasabihin kong nanganak ang ilog ng isang dagat ng luha at nakalimot.

Kung tatanungin mo ako kung sinong maygawa
sasabihin kong ang lahat ay maysala at silang lahat ay naghugas-kamay.

Kung tatanungin mo ako kung kailan naganap ang lahat
sasabihin kong madalas maglagos sa aking pusod ang liwanag.

Kung tatanungin mo ako kung ano ang aking naaalala
sasabihin kong agad naghihilom ang mga alon, puno ng pilat ang buhangin.

Kung tatanungin mo ako kung ano ang kasaysayan
Sasabihin kong mga naiwang lasa ng kalawang sa dila at natuyong lalamunan.

Kung tatanungin mo ako kung ano ang pag-ibig
Sasabihin kong nabingi ang lahat ng sumisid sa itim na perlas, binasag

ng patak ng grabedad ang pananalamin ng lalaki, at siya’y hindi na kailanman
umahon sa pagkalulong sa rikit. Wala nang makababalik isa man sa kanila.


3. bersiyon ng batobalani

sa isang sulok, natuto kang umibig
sa isang bato. dinampot mo ang iyong sinusuyo,

tinawag itong Federico, at pinakiramdaman
kung ito'y titibok sa iyong pagbulong.

gaya ng inaasahan, hindi kumibot
ang bato sa iyong pagkakahawak.

ikinuyom mo ang iyong palad
bilang isang pagyakap.

malamig ang lawas ng iyong iniibig.
kaya sinubukan mo itong idarang sa iyong dibdib.

sa kauna-unahang pagkakataon,
nagkaroon ng puso ang tagalupa.

isang pusong walang kinikilalang pintig.
naglakad-lakad ka, Inilibot ang iyong bagong puso

at ipinamalas rito ang lahat ng mga bagay
na hindi sakop ng dati nitong panginurin.

ngunit hindi natitinag ang bato.
ang bato ay bato sa lahat ng panahon.

muli mo itong dinukot, at sa diin ng iyong kapit,
sinubukan mo itong madurog.

tumingin ka sa orisonte ng dapithapon.
magdidilim na, kailangan mo nang umuwi.

sa halinhinang poot at pag-ibig, lunggati at ligalig,
ipinukol mo ang lahat ng iyong inibig sa langit.

Tuesday, September 12, 2006

Mga Pangkaraniwang Lungkot

Marahil ito na ang aking huling liham.
Pagkatapos mo itong mabasa,
mangyari lamang na ito’y lamukusi’t bilutin
at saka ilublob sa lalim ng ilog
nang ito’y matunaw, magsatubig at umagos.

Bukod sa pangalan, lagda at lunan,
kalakip ng sulat na ito ang lahat ng aking mga pangkaraniwang lungkot:
lukot-lukot na ulap, isang itim na balahibo ng uwak,
isang pinggang may pingas sa labi, larawan ng matandang simbahan,
tatlong tinuping bulaklak, at isang pares ng natuyong pakpak ng paru-paro.
Ito na lamang ang naiwan,
at ang lahat ng ito’y ipinauubaya ko na sa iyo.

Ganito marahil isinulat ng mga pantas ang kasaysayan.
Nagsisimula muna sa mahal kong patlang, bubuntong-hininga,
at susundan ng maligayang pagbati, pangungumusta
at pag-uusisa sa kasalukuyang kalagayan,
bago maghalungkat ng nawaglit na kasulatang nadaganan
sa ilalim ng punda ng kama, o di kaya’y tantiyahin
sa panginurin ang mga posibilidad ng mga nagbabagang balita.

At kahit hindi hinihingi ng mambabasa, babalik silang lahat sa kanilang silid
upang magsulat, sa kani-kanilang sarili bilang sentro
de grabedad ng lahat, katulad na lamang nito: Ako?
Maayos naman ako. Kahit na sa kalaliman ng gabi, gabi-
gabi, ay dinadalaw ako ng matinding sikat ng liwanag at isang mabangis
na anghel sa tatlong pangalan: Labis-Labis na Alindog, Labis-Labis na Pusok,
Labis-Labis na Libog.

Nililimas niya ang lahat ng kanyang mahawakan, mula sa aking antok,
pawis, panis na laway, tsinelas at saplot, maging ang aking alaala
at bungang-tulog ay sapilitan niyang kinukumpiska’t isinasalin sa wikang
tanging mga kuliglig lamang at gagamba ang nakapapangusap.

Hindi lamang iyon
. Humihingi ako sa iyo ng paumanhin, konting panahon
at pasensiya. Ipagdamot mo ang ilan ko pang balita.
Nais kong banggitin na ang aking mga kasama’y naglaho nang lahat,
nilamon ng hamog at usok. Na binubura ng takot, gutom at tutok ng baril
ang buong lungsod. Na naulol ang historyador sa pagbibilang ng mga lumulutang
na katawan. Na nagnanaknak na langib ang siyudad sa katanghaliang-tapat.
Na umaalingasaw ang lamang-loob ng sementeryo kapag bilog ang buwan.
Na kailangan kong maligo bago matulog upang maalis ang libag, langis
at lumot ng maghapo’t magdamag sa aking balat.

Higit sa lahat, nais kong sabihin na ako’y hindi makatulog sa labis na pag-aalala.
Ngunit hindi ko matandaan ang sanhi ng aking mga pagkabalisa.
Kaya naiiwan akong mulagat at nilalagnat sa madaling-araw
hawak-hawak itong sulat at ang hungkag kong pagkapuyat.

Iyon laman naman at nawa’y nasa mabuti kang kalagayan.
Nawa’y naramdaman mo ang nakapapasong halik
na nagtikom sa sobreng ito, bago mamaalam,

Bago ang nagmamahal o lubos na gumagalang,

Bago matapos ang lahat sa iisang pangalan.

Monday, August 21, 2006

Ang Gasela ng Madilim na Kamatayan

salin mula kay Federico Garcia Lorca

Nais kong matulog na parang nahihimbing na mansanas
Nais kong malayo sa ligalig ng sementeryo
Nais kong mahimbing gaya ng himbing ng batang
ninais buksan ang kanyang dibdib sa dagat

Ayokong muli nilang sabihin kung paano napanatili ng mga yumao ang lahat ng kanilang dugo
Kung paanong ang nabubulok na bibig ay habambuhay na uhaw sa tubig.
Ayoko nang marinig pa na ang kapanahuna’y itinatakda ng damuhan
o kung paano ito ginagapas ng buwan
sa ilahas ng buong magdamag.

Gusto kong mahimbing kahit kalahating segundo
Isang segundo, isang minuto, isang dantaon.
Ngunit gusto kong malaman ng lahat na ako ay buhay pa,
Na ako ay may ginintuang pastulan sa loob ng aking mga labi
Na ako ang kaibigan ng hanging habagat
Na ako ang higanteng anino sa sarili kong luha.

Kapag madaling-araw, ako’y inyong kumutan
Dahil alam kong hatid ng bukangliwayway ang mga langgam,
Ako’y buhusan ng maginaw na tubig sa aking sapatos
nang mawala ang lason sa kalmot ng mga alakdan.

Sapagkat nais kong matulog sa himbing ng mansanas,
at matutong umawit ng uyaying maglilinis ng lupa sa akin
Sapagkat nais kong mabuhay kapiling ang batang manimdim
Na ninais na buksan ang kanyang dibdib sa dagat.

Muli’t muli, gaano man natin ka-saulado ang mapa ng pag-ibig

salin mula kay Rainier Maria Rilke

Muli’t muli, gaano man natin ka-saulado ang mapa ng pag-ibig
At ang maliit na simbahan doon, kasama ng mga maninimdim na pangalan
at ang nakapangingilabot na katahimikan ng ilalim kunsaan ang iba
ay nahuhulog: muli’t muli, magkasama tayong lumalabas at naglalakad
sa ilalim ng matatandang puno, humihiga, muli’t muli
sa balana ng bulaklak, katapat ang langit.

Thursday, August 17, 2006

Ang Pagitan

I.
Ganito iyon: Kung makikinig ka nang mabuti,
mauulinigan mo ang aking alingawngaw na parang hanging
umuuwi sa kabilang pampang, hampas ng tubig sa malalaking bato,
o tinig na humihingi ng saklolo mula sa pinakailalim ng bangin.

Kapag nilapit mo pa ang iyong tainga,
baka marinig mo ang paggaralgal ng aking boses
na parang hinahalong inumin sa loob ng pitsel, nanlalagkit sa gasgas
ng pagkaaligamgam at duro ng mapaglarong dilang-kutsara.

Kapag lumapit ka pa, sige, halika
lumapit ka pa
, mawawala ang tunog, garalgal, gasgas
at sagasa ng mga salita mula sa aking bibig patungo sa iyong tainga.
Sapagkat hahalikan kita at saka mo pakinggan
ang mga sinusukat mong akala.

II.

Ganito iyon: kung lalayo ka ng tatlong hakbang
mula sa aking kinauupuan, magkakaroon ng mesa
at puting-puting mantel at sabihin na nating may mataas na kandila
sa pagitan natin. Sinisigurado ko na hindi kita papasuin.

Kung lalayo ka pa ng sampung hakbang
maaapakan mo ang basag na pinggan sa sahig
ngunit tulad ng maraming lumang pelikula, wala kang maririnig
na tunog ng pagkawasak, kahit ang iyong hiyaw sa hapdi sa sugat
ay magiging mga salitang sinakmal ng saknong sa ilalim ng eksena:
Sumigaw ang Lalaki.

Kung lalayo ka pa ng limampung dipa,
nasa labas ka na ng bahay na pinanglaw ng dilaw na dilaw na ilaw,
iisipin mo kung tama bang pitasin pa ang rosas sa hardin
ngunit magdadalawang-isip ka, katulad ng maraming pagdadalawang-
isip, kung tutuloy ka pa bang pumasok, sapagkat patay ang ilaw,
dilaw na dilaw at napakadilim ng bahay.

Kung lalayo ka ng isandaang hakbang
nakaupo ka na sa loob ng bus, sa iyong kanan
ay ang bintana: ang kalsada, ang lungsod, ang gabi,
ang mga tala at pagkaantala. Sa iyong harap, isang pagod na konduktor,
pinamasaheng pagkakataon at sinukling pagkaligta.

Kung lalayo ka pa ng ilang kilometro, isang milya,
Tutunog ang katabi mong telepono sa loob ng opisina,
at sa ganito kalayong distansiya, ibubulong ko kung
natatandaan mo pa ba ang pangalan ko?

Monday, August 14, 2006

Logos

Noong una’y isang panaginip,
ang paghamog ng mga gamugamo
at pagsakop ng mga anino sa panginurin ng rilim
at rilim lamang, saka ang pagsaksak
ng manipis na manipis na liwanag sa aking paanan.
Ito, kahit noong una’y abstrakto, mailap,
Ngunit naging masugid na manunuyo ng aking guniguni
gabi-gabi, isang panaginip
at pagsaksak ng manipis na manipis na liwanag.

Nang lumao’y nakasanaya’t naging pang-araw-
araw, isang umaga habang humihigop ng kape
humikab ang langit at inantok ang ulap
sa lamig, kumulimlim, at parang mga manok
na humapon at nagpangilay ang mga anino
sa mga puno, dala-dala ng lagaslas
ng kanilang yabag ang bigat ng alapaap.
Noon ri’y ako’y napatayo’t iniwan ang binabasang obituaryo
sa diyaryo, lumabas sa kusina, namitas
ng bulaklak, binulsa ang isang kuyom na lupa
at naglakad nang naglakad pa
hanggang umabot dito, dito, isang krusipiho.

Masyado pang maaga para pumasok sa opisina
kaya humiga muna ako rito sa gitna ng parang.
Ipinatong sa dibdib ang isang tangkay ng rosas,
ibinudbod ang binulsang buhangin sa aking noo,
isinulat ang aking pangalan sa may ulunan,
at pumikit sa alaala ng noong una’y
panaginip lamang, nang lumao’y nakasanaya’t
nang lumaon pa’y ang pagsaksak na lamang
ng manipis na manipis na liwanag ang nanatili
sa panginurin ng rilim at rilim lamang.

Wednesday, August 09, 2006

Otro Genesis

Tinatawagan ng pansin ang lahat ng nakapag-iwan
ng anumang gamit sa loob ng silid na ito.
Tinatawagan ang lahat
sapagkat sinasabi ko na sa inyo
na wala na kayong babalikan pa.

Nilamon na ng nakaraang panahon
ang lahat ng dahilan
upang kayo ay lumingon,
kahit man lang tantiyahin kung hanggang saan
na kayo naliyo’t nakalayo
mula sa silid na ito.

Sapagkat ang lahat-lahat
ay binalot na ng iba’t ibang anyo ng alat:
dinildil na asin, tinunaw na kandila, nanigas na luha, sinalikop na butlig ng pawis, mumo ng kaning panis
Pati ang mga baluti’t balat ng mga nangahas
pang isalba ang kakarampot nilang natitira –
ilang kasulata’t dokumento, manuskrito ng tula, matatandang aklat, damit, retrato, rekuwerdo, panaginip, alagang aso.
Sinaklot na silang lahat at saka binilad
sa tanghaling-tapat upang makita
kung paano lapnusin ng tag-araw
ang bawat isang talipandas sa alaala.

Ito lamang ang tiyak
naglaho na ang lahat-lahat,
mismong ang silid na ito ay mawawala
ilang saglit pa.

Huwag kayong lilingon
Sapagkat hindi ito maglalaho ayon sa inaasahan:
pagbubukbok ng inanay na dingding,
paghila ng grabedad sa mga agiw,
kasabay ng pinagsabitan nitong butas-
butas na kisame at pagguho ng lahat
sa pagsabog ng alabok. Hindi.

Maglalaho ito na parang wala
na ito sa simula pa lamang,
tulad ng dati o wala lang talaga
ayon sa nakasanayan,
hindi inalala, hindi rin kinaligta,
at hindi mag-iiwan ng bakas,
kahit ako,
ay dadalhin ng Sandali,
isang malakas na bigwas ng hangin,
at mawawalang parang bula.

Hindi nagpaalala, at hindi nagpakaligta.

Ang Mahimalang Oras

Kung mamarapatin mo,
Hayaan mong ibulid kita sa panganib.

Dito sa tapat ng madilim at lumang hagdanan.

Walang nakakakita sa iyo rito
bukod sa akin,
na nakatanghod sa iyong likod,
at ang aking mga matang
nakasabit sa nilumot at agiwing dingding.

Huwag kang matakot:
Itutulak kita sa kapahamakan.

Ilagay mo ang dulo ng iyong talampakan
at ang buong bigat ng iyong katawan
sa bingit ng rurok na palapag –
ang ituktok na laging marupok.
(ang unang puwersa ng hilakbot ay Balanse)

Huwag kang humawak sa balustre,
hindi ligtas para sa iyo
ang masanay sa pagkapit nang mahigpit
sa saklolo, lalo na sa mga lugar
at pagkakataong tulad nito.

Humanda ka, sapagkat kapag sinabi kong
ihakbang mo ang iyong kanang paa,
mag-uumpisa kang pumanaog
dahan-dahan sa takdang bilang
ng ingit ng kahoy (ang tugon ng hagdanan

sa mga di-inimbitahang bisita), uulan ang mga butil

ng kahoy sa bigat ng iyong bawat yabag

(mga buhaghag na mumo ng anay), aalimbukay ang alikabok,

yayakap sa iyong sapatos (ang tanda ng takot),

tatawid ang ipis nang mabilis na mabilis

(upang subukan kang matapilok sa gulat)

bago mo pa mang maisipang pahalikan sila sa iyong suwelas

at hahaplusin ng agiw at sapot (ng ligaw

na gagamba) ang iyong batok.


Sa dulo, nakaabang ang pusa,
nagmamatyag, naghihintay sa iyong mga huling hakbang.
Ang babati sa iyong katapusan.
Masdan mo ang kanyang mata –
ang nakamamasid ng lahat.

Ngayon mo lingunin ang iyong simula
ang nag-anyaya:
titigan mo ako, mata sa mata,
at saka mo sabihin kung –


iniadya nga kita sa lahat ng masasama.

Ang Sepulturero:

Marahil, ito ang kabuuan ng salitang Gaspang:

Hindi mainit na buhanging hinaharot ng talampakan,
Hindi natisod ng ngipin sa nginunguyang kanin na ligaw na bato,
Hindi matandang pahina sa kislot ng nilawayang hintuturo,
Hindi kirot ng ugat sa halikan ng tuhod at munggo,

Kundi ang anim na talampakang lalim ng salitang Gaspang,
habang isang dipang lawak lamang
o hindi pa nga, basta’t magkakasya kung nakahiga/hilata.
Masikip na masikip
ang gaspang ngunit malalim na malalim rin.

Sa katunayan, ang gaspang ay basa’t malagkit
ngunit nakapupuwing. Halimbawa, ang basang lupa
sa gilid ng iyong mata ay magmumuta
bilang huling bahagi ng pagkabulag.
Ang panis na putik sa sulok ng bibig,
at nababasag na uhaw sa tuyong labi:
nabubulok ang gaspang sa kawalang-tinig.

Ang Gaspang ay hamog sa madaling-araw,
uod sa singit, langgam sa batok, amag sa pisngi,
alakdan sa hita, alipunga sa paa, napupunit na seda.

Ang Gaspang ay graba, semento, marmol, aspalto, buhangin,
nunal, pantal, butlig, buto, buwan at bituin.

Ang Gaspang ay agnas, tunaw, gunaw, tag-araw,
taglamig, panahon at pagkakataon.

Ang Gaspang ay ang itinutulak pataas na tablang natabunan.

Ang Gaspang ay ang pumuslit na liwanag sa hamba ng pintuan.

Ang Gaspang ay ang bumabati sa distiyero’t manlalakbay.

Ang Gaspang ay ang pakiramdam ng talampakan
sa unang paghubad ng sapatos, pagtaas ng manggas,
paghukot at paghugot sa mga ugat
sa ilalim ng lawak ng balat ng lupa.