Ang Sepulturero:
Marahil, ito ang kabuuan ng salitang Gaspang:
Hindi mainit na buhanging hinaharot ng talampakan,
Hindi natisod ng ngipin sa nginunguyang kanin na ligaw na bato,
Hindi matandang pahina sa kislot ng nilawayang hintuturo,
Hindi kirot ng ugat sa halikan ng tuhod at munggo,
Kundi ang anim na talampakang lalim ng salitang Gaspang,
habang isang dipang lawak lamang
o hindi pa nga, basta’t magkakasya kung nakahiga/hilata.
Masikip na masikip
ang gaspang ngunit malalim na malalim rin.
Sa katunayan, ang gaspang ay basa’t malagkit
ngunit nakapupuwing. Halimbawa, ang basang lupa
sa gilid ng iyong mata ay magmumuta
bilang huling bahagi ng pagkabulag.
Ang panis na putik sa sulok ng bibig,
at nababasag na uhaw sa tuyong labi:
nabubulok ang gaspang sa kawalang-tinig.
Ang Gaspang ay hamog sa madaling-araw,
uod sa singit, langgam sa batok, amag sa pisngi,
alakdan sa hita, alipunga sa paa, napupunit na seda.
Ang Gaspang ay graba, semento, marmol, aspalto, buhangin,
nunal, pantal, butlig, buto, buwan at bituin.
Ang Gaspang ay agnas, tunaw, gunaw, tag-araw,
taglamig, panahon at pagkakataon.
Ang Gaspang ay ang itinutulak pataas na tablang natabunan.
Ang Gaspang ay ang pumuslit na liwanag sa hamba ng pintuan.
Ang Gaspang ay ang bumabati sa distiyero’t manlalakbay.
Ang Gaspang ay ang pakiramdam ng talampakan
sa unang paghubad ng sapatos, pagtaas ng manggas,
paghukot at paghugot sa mga ugat
sa ilalim ng lawak ng balat ng lupa.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home