Ang Mahimalang Oras
Kung mamarapatin mo,
Hayaan mong ibulid kita sa panganib.
Dito sa tapat ng madilim at lumang hagdanan.
Walang nakakakita sa iyo rito
bukod sa akin,
na nakatanghod sa iyong likod,
at ang aking mga matang
nakasabit sa nilumot at agiwing dingding.
Huwag kang matakot:
Itutulak kita sa kapahamakan.
Ilagay mo ang dulo ng iyong talampakan
at ang buong bigat ng iyong katawan
sa bingit ng rurok na palapag –
ang ituktok na laging marupok.
(ang unang puwersa ng hilakbot ay Balanse)
Huwag kang humawak sa balustre,
hindi ligtas para sa iyo
ang masanay sa pagkapit nang mahigpit
sa saklolo, lalo na sa mga lugar
at pagkakataong tulad nito.
Humanda ka, sapagkat kapag sinabi kong
ihakbang mo ang iyong kanang paa,
mag-uumpisa kang pumanaog
dahan-dahan sa takdang bilang
ng ingit ng kahoy (ang tugon ng hagdanan
sa mga di-inimbitahang bisita), uulan ang mga butil
ng kahoy sa bigat ng iyong bawat yabag
(mga buhaghag na mumo ng anay), aalimbukay ang alikabok,
yayakap sa iyong sapatos (ang tanda ng takot),
tatawid ang ipis nang mabilis na mabilis
(upang subukan kang matapilok sa gulat)
bago mo pa mang maisipang pahalikan sila sa iyong suwelas
at hahaplusin ng agiw at sapot (ng ligaw
na gagamba) ang iyong batok.
Sa dulo, nakaabang ang pusa,
nagmamatyag, naghihintay sa iyong mga huling hakbang.
Ang babati sa iyong katapusan.
Masdan mo ang kanyang mata –
ang nakamamasid ng lahat.
Ngayon mo lingunin ang iyong simula
ang nag-anyaya:
titigan mo ako, mata sa mata,
at saka mo sabihin kung –
iniadya nga kita sa lahat ng masasama.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home