"The idea that happiness could have a share in beauty would be too much of a good thing." --Walter Benjamin

Monday, August 21, 2006

Ang Gasela ng Madilim na Kamatayan

salin mula kay Federico Garcia Lorca

Nais kong matulog na parang nahihimbing na mansanas
Nais kong malayo sa ligalig ng sementeryo
Nais kong mahimbing gaya ng himbing ng batang
ninais buksan ang kanyang dibdib sa dagat

Ayokong muli nilang sabihin kung paano napanatili ng mga yumao ang lahat ng kanilang dugo
Kung paanong ang nabubulok na bibig ay habambuhay na uhaw sa tubig.
Ayoko nang marinig pa na ang kapanahuna’y itinatakda ng damuhan
o kung paano ito ginagapas ng buwan
sa ilahas ng buong magdamag.

Gusto kong mahimbing kahit kalahating segundo
Isang segundo, isang minuto, isang dantaon.
Ngunit gusto kong malaman ng lahat na ako ay buhay pa,
Na ako ay may ginintuang pastulan sa loob ng aking mga labi
Na ako ang kaibigan ng hanging habagat
Na ako ang higanteng anino sa sarili kong luha.

Kapag madaling-araw, ako’y inyong kumutan
Dahil alam kong hatid ng bukangliwayway ang mga langgam,
Ako’y buhusan ng maginaw na tubig sa aking sapatos
nang mawala ang lason sa kalmot ng mga alakdan.

Sapagkat nais kong matulog sa himbing ng mansanas,
at matutong umawit ng uyaying maglilinis ng lupa sa akin
Sapagkat nais kong mabuhay kapiling ang batang manimdim
Na ninais na buksan ang kanyang dibdib sa dagat.

Muli’t muli, gaano man natin ka-saulado ang mapa ng pag-ibig

salin mula kay Rainier Maria Rilke

Muli’t muli, gaano man natin ka-saulado ang mapa ng pag-ibig
At ang maliit na simbahan doon, kasama ng mga maninimdim na pangalan
at ang nakapangingilabot na katahimikan ng ilalim kunsaan ang iba
ay nahuhulog: muli’t muli, magkasama tayong lumalabas at naglalakad
sa ilalim ng matatandang puno, humihiga, muli’t muli
sa balana ng bulaklak, katapat ang langit.

Thursday, August 17, 2006

Ang Pagitan

I.
Ganito iyon: Kung makikinig ka nang mabuti,
mauulinigan mo ang aking alingawngaw na parang hanging
umuuwi sa kabilang pampang, hampas ng tubig sa malalaking bato,
o tinig na humihingi ng saklolo mula sa pinakailalim ng bangin.

Kapag nilapit mo pa ang iyong tainga,
baka marinig mo ang paggaralgal ng aking boses
na parang hinahalong inumin sa loob ng pitsel, nanlalagkit sa gasgas
ng pagkaaligamgam at duro ng mapaglarong dilang-kutsara.

Kapag lumapit ka pa, sige, halika
lumapit ka pa
, mawawala ang tunog, garalgal, gasgas
at sagasa ng mga salita mula sa aking bibig patungo sa iyong tainga.
Sapagkat hahalikan kita at saka mo pakinggan
ang mga sinusukat mong akala.

II.

Ganito iyon: kung lalayo ka ng tatlong hakbang
mula sa aking kinauupuan, magkakaroon ng mesa
at puting-puting mantel at sabihin na nating may mataas na kandila
sa pagitan natin. Sinisigurado ko na hindi kita papasuin.

Kung lalayo ka pa ng sampung hakbang
maaapakan mo ang basag na pinggan sa sahig
ngunit tulad ng maraming lumang pelikula, wala kang maririnig
na tunog ng pagkawasak, kahit ang iyong hiyaw sa hapdi sa sugat
ay magiging mga salitang sinakmal ng saknong sa ilalim ng eksena:
Sumigaw ang Lalaki.

Kung lalayo ka pa ng limampung dipa,
nasa labas ka na ng bahay na pinanglaw ng dilaw na dilaw na ilaw,
iisipin mo kung tama bang pitasin pa ang rosas sa hardin
ngunit magdadalawang-isip ka, katulad ng maraming pagdadalawang-
isip, kung tutuloy ka pa bang pumasok, sapagkat patay ang ilaw,
dilaw na dilaw at napakadilim ng bahay.

Kung lalayo ka ng isandaang hakbang
nakaupo ka na sa loob ng bus, sa iyong kanan
ay ang bintana: ang kalsada, ang lungsod, ang gabi,
ang mga tala at pagkaantala. Sa iyong harap, isang pagod na konduktor,
pinamasaheng pagkakataon at sinukling pagkaligta.

Kung lalayo ka pa ng ilang kilometro, isang milya,
Tutunog ang katabi mong telepono sa loob ng opisina,
at sa ganito kalayong distansiya, ibubulong ko kung
natatandaan mo pa ba ang pangalan ko?

Monday, August 14, 2006

Logos

Noong una’y isang panaginip,
ang paghamog ng mga gamugamo
at pagsakop ng mga anino sa panginurin ng rilim
at rilim lamang, saka ang pagsaksak
ng manipis na manipis na liwanag sa aking paanan.
Ito, kahit noong una’y abstrakto, mailap,
Ngunit naging masugid na manunuyo ng aking guniguni
gabi-gabi, isang panaginip
at pagsaksak ng manipis na manipis na liwanag.

Nang lumao’y nakasanaya’t naging pang-araw-
araw, isang umaga habang humihigop ng kape
humikab ang langit at inantok ang ulap
sa lamig, kumulimlim, at parang mga manok
na humapon at nagpangilay ang mga anino
sa mga puno, dala-dala ng lagaslas
ng kanilang yabag ang bigat ng alapaap.
Noon ri’y ako’y napatayo’t iniwan ang binabasang obituaryo
sa diyaryo, lumabas sa kusina, namitas
ng bulaklak, binulsa ang isang kuyom na lupa
at naglakad nang naglakad pa
hanggang umabot dito, dito, isang krusipiho.

Masyado pang maaga para pumasok sa opisina
kaya humiga muna ako rito sa gitna ng parang.
Ipinatong sa dibdib ang isang tangkay ng rosas,
ibinudbod ang binulsang buhangin sa aking noo,
isinulat ang aking pangalan sa may ulunan,
at pumikit sa alaala ng noong una’y
panaginip lamang, nang lumao’y nakasanaya’t
nang lumaon pa’y ang pagsaksak na lamang
ng manipis na manipis na liwanag ang nanatili
sa panginurin ng rilim at rilim lamang.

Wednesday, August 09, 2006

Otro Genesis

Tinatawagan ng pansin ang lahat ng nakapag-iwan
ng anumang gamit sa loob ng silid na ito.
Tinatawagan ang lahat
sapagkat sinasabi ko na sa inyo
na wala na kayong babalikan pa.

Nilamon na ng nakaraang panahon
ang lahat ng dahilan
upang kayo ay lumingon,
kahit man lang tantiyahin kung hanggang saan
na kayo naliyo’t nakalayo
mula sa silid na ito.

Sapagkat ang lahat-lahat
ay binalot na ng iba’t ibang anyo ng alat:
dinildil na asin, tinunaw na kandila, nanigas na luha, sinalikop na butlig ng pawis, mumo ng kaning panis
Pati ang mga baluti’t balat ng mga nangahas
pang isalba ang kakarampot nilang natitira –
ilang kasulata’t dokumento, manuskrito ng tula, matatandang aklat, damit, retrato, rekuwerdo, panaginip, alagang aso.
Sinaklot na silang lahat at saka binilad
sa tanghaling-tapat upang makita
kung paano lapnusin ng tag-araw
ang bawat isang talipandas sa alaala.

Ito lamang ang tiyak
naglaho na ang lahat-lahat,
mismong ang silid na ito ay mawawala
ilang saglit pa.

Huwag kayong lilingon
Sapagkat hindi ito maglalaho ayon sa inaasahan:
pagbubukbok ng inanay na dingding,
paghila ng grabedad sa mga agiw,
kasabay ng pinagsabitan nitong butas-
butas na kisame at pagguho ng lahat
sa pagsabog ng alabok. Hindi.

Maglalaho ito na parang wala
na ito sa simula pa lamang,
tulad ng dati o wala lang talaga
ayon sa nakasanayan,
hindi inalala, hindi rin kinaligta,
at hindi mag-iiwan ng bakas,
kahit ako,
ay dadalhin ng Sandali,
isang malakas na bigwas ng hangin,
at mawawalang parang bula.

Hindi nagpaalala, at hindi nagpakaligta.

Ang Mahimalang Oras

Kung mamarapatin mo,
Hayaan mong ibulid kita sa panganib.

Dito sa tapat ng madilim at lumang hagdanan.

Walang nakakakita sa iyo rito
bukod sa akin,
na nakatanghod sa iyong likod,
at ang aking mga matang
nakasabit sa nilumot at agiwing dingding.

Huwag kang matakot:
Itutulak kita sa kapahamakan.

Ilagay mo ang dulo ng iyong talampakan
at ang buong bigat ng iyong katawan
sa bingit ng rurok na palapag –
ang ituktok na laging marupok.
(ang unang puwersa ng hilakbot ay Balanse)

Huwag kang humawak sa balustre,
hindi ligtas para sa iyo
ang masanay sa pagkapit nang mahigpit
sa saklolo, lalo na sa mga lugar
at pagkakataong tulad nito.

Humanda ka, sapagkat kapag sinabi kong
ihakbang mo ang iyong kanang paa,
mag-uumpisa kang pumanaog
dahan-dahan sa takdang bilang
ng ingit ng kahoy (ang tugon ng hagdanan

sa mga di-inimbitahang bisita), uulan ang mga butil

ng kahoy sa bigat ng iyong bawat yabag

(mga buhaghag na mumo ng anay), aalimbukay ang alikabok,

yayakap sa iyong sapatos (ang tanda ng takot),

tatawid ang ipis nang mabilis na mabilis

(upang subukan kang matapilok sa gulat)

bago mo pa mang maisipang pahalikan sila sa iyong suwelas

at hahaplusin ng agiw at sapot (ng ligaw

na gagamba) ang iyong batok.


Sa dulo, nakaabang ang pusa,
nagmamatyag, naghihintay sa iyong mga huling hakbang.
Ang babati sa iyong katapusan.
Masdan mo ang kanyang mata –
ang nakamamasid ng lahat.

Ngayon mo lingunin ang iyong simula
ang nag-anyaya:
titigan mo ako, mata sa mata,
at saka mo sabihin kung –


iniadya nga kita sa lahat ng masasama.

Ang Sepulturero:

Marahil, ito ang kabuuan ng salitang Gaspang:

Hindi mainit na buhanging hinaharot ng talampakan,
Hindi natisod ng ngipin sa nginunguyang kanin na ligaw na bato,
Hindi matandang pahina sa kislot ng nilawayang hintuturo,
Hindi kirot ng ugat sa halikan ng tuhod at munggo,

Kundi ang anim na talampakang lalim ng salitang Gaspang,
habang isang dipang lawak lamang
o hindi pa nga, basta’t magkakasya kung nakahiga/hilata.
Masikip na masikip
ang gaspang ngunit malalim na malalim rin.

Sa katunayan, ang gaspang ay basa’t malagkit
ngunit nakapupuwing. Halimbawa, ang basang lupa
sa gilid ng iyong mata ay magmumuta
bilang huling bahagi ng pagkabulag.
Ang panis na putik sa sulok ng bibig,
at nababasag na uhaw sa tuyong labi:
nabubulok ang gaspang sa kawalang-tinig.

Ang Gaspang ay hamog sa madaling-araw,
uod sa singit, langgam sa batok, amag sa pisngi,
alakdan sa hita, alipunga sa paa, napupunit na seda.

Ang Gaspang ay graba, semento, marmol, aspalto, buhangin,
nunal, pantal, butlig, buto, buwan at bituin.

Ang Gaspang ay agnas, tunaw, gunaw, tag-araw,
taglamig, panahon at pagkakataon.

Ang Gaspang ay ang itinutulak pataas na tablang natabunan.

Ang Gaspang ay ang pumuslit na liwanag sa hamba ng pintuan.

Ang Gaspang ay ang bumabati sa distiyero’t manlalakbay.

Ang Gaspang ay ang pakiramdam ng talampakan
sa unang paghubad ng sapatos, pagtaas ng manggas,
paghukot at paghugot sa mga ugat
sa ilalim ng lawak ng balat ng lupa.