"The idea that happiness could have a share in beauty would be too much of a good thing." --Walter Benjamin

Wednesday, October 19, 2005

Subterranean

Eric Gamalinda
salin ni Carlos Piocos III


Hayaan mong sabihin kong
alam ko ang pangalan ng lahat
at papangalanan ko yaong hindi ko alam:
dukha, naufragio, talinghaga.
Katulad ng musmos na may dibdib
na walang takot sa muwang at pusok
Iniibig ko ang labis na Alindog
Hindi sapat ang liwanag
sa kulimlim ng aking daigdig
Hindi sapat ang puwang para sa pag-ibig

Ikinatatakot kong maaring wala nang magtagal pa
para patunayan ang matagal ko nang hinala:
na ang langit ay isa lamang lamad
sa loob ng bungo ng anghel,
ang mga puno'y nag-uusap pagsapit ng dilim,
ang yelo ay tubig na pinatahan ng lamig,
minamanmanan tayo ng sanggol mula sa sinapupunan.

Ikinababahala ko ang pagluluksong-
lubid ng bata sa kanto, ang babae
sa tren na may bungkos ng bulaklak sa buhok,
ang lalaking ang buong Gunita ay yaong
nasa wikang Kastila. Higit kong ikinatatakot
ay ang mawalan ng malay kapag natutulog,
at sa aking paghimbing, tatanda ako’t makaliligta
kung paano minsan ako'y pinagdamutan
ng pagnanasa ng antok at katinuan

At tulad ng mga Kapanahunan,
sila ay mamamatay,
at ako ay mamamatay,
at ikaw ay mamamatay rin.
Walang nakasisigurado kung sino ang unang yayao
at ito ang sanhi
ng lahat ng aking lunggati