"The idea that happiness could have a share in beauty would be too much of a good thing." --Walter Benjamin

Thursday, August 11, 2005

Miguel

Ngayong tag-araw
natuto tayong magmahal
sa mga bagay na simple, musmos
at pangkaraniwan na sa pangkaraniwan.

Tulad ng pagtunaw sa dilim ng ating mga katawan.
(mula solido patungong anino)

Tulad ng paglambong ng lambot ng hamog sa parang.
(at ang unang pag-usal ng pag-ibig sa tunog ng pangalan)

Tulad ng pagtalunton ng konstelasyong Orion
sa madilim na bubong na maabot lamang
ng pagtingala't pagbibilang ng kisap ng matang-langit.
(mga bituin sa yerong binutas ng sanlaksang titig)

Ngayong tag-araw
ang unang pagtuklas
sa pagbalikwas ng mga batas
ng pangkaraniwan na sa pangkaraniwan.

Ang unang paggagap sa mga simbolo't sagisag,
na hindi maangkin ng anumang salita,
na hindi mapapangalanan ng anumang kataga,

Kung saan mananatiling nasa dulo ng umid
na dila ang unang linya ng tula,

at sa pagitan ng saglit
ng buntong hininga at halik
at bugso ng mga subersibong mata,
ang lahat ay nagiging makata
ng mumunti't pangkaraniwang daigdig.

Ngayong tag-araw,
naiwan ko ang kalahati ng tula
at ang titulo ng akda
sa iyong bibig.