"The idea that happiness could have a share in beauty would be too much of a good thing." --Walter Benjamin

Wednesday, June 06, 2007

Morpolohiya

Binuo sa isang buntong-hininga ang buong mundo,
At dito nagmula ang kasaysayan ng sanlibutan.
Noong unang panahon,
Nang hinahagilap pa lamang ng bibig ang daigdig
ay dumulas ang Wika at santinakpan sa ngalangala
upang bigyang-ngalan at magkatawang-moog
ang mga lugar na mahirap matunton
ang mga bago’t di matuklas-tuklasang sibilisasyon.
Hinanap ng labi ang tubig, hangin, bato at buhangin
at sinalat ng dila ang balat
ng salita ng Sinaunang Panahon:
Ito ba ang talampakan? Hindi. Ito ang talampas
na binaligtad upang halikan ang lupa.
Ito ba ang tuhod? Hindi. Ito ang matandang bundok
na lumuhod. Ito ba ang hita? Hindi. Ito ang gulod
ng kambal na ilog na sumupling sa kabihasnang
matagal nang naglaho. Ito ba ang pusod? Hindi.
Ito ang mababaw na balon na kumikislot
sa mga ligaw na haplos. Ito ba ang tiyan?
Hindi. Ito ang malawak na kapatagang madalas
lumundag sa paghila ng buwan. Ito ba
ang dibdib? Hindi. Ito ang malakas na grabedad
sa ilalim ng dagat, ang puwersang humuli’t humalina,
nagkuyom at nagsaboy sa lahat ng planeta,
sa araw, buwan at ilang bilyong tala, sa kapangyarihan
ng mabagal at marahas na rebolusyon ng nanginginig
at nagniig na lawak ng uniberso. At ano ang laman
nito, isang buto, butil, binhi, kamao o puso?

Hindi. Ito ang bingit ng daigdig, isang banging
Kumanlong sa madilim at malalim na malalim na
Sikreto.

Mga Tala sa Balarila

Paano nahahawakan ng mga labi ng lapi ang mga bagay na kaydulas sa kamay? Paano nahuhuli ang diwa ng pandiwa, anong galaw? anong pagkilos? anong pag-abot?

Paano inangkin ang Ngalan sa isang pangalan, paano ito naisilang, naipakilala nang may buong kasiguraduhan, tawagin at amuhin, tawagin at palapitin, tawagin at pasunurin?

At paano ito isinawalang-bahala, paano ginawang anonimo’t nawalan ng mukha-katauhan-kaluluwa at ibinura ng mga kawalang-katiyakan, ng mga bagay na panandalian, ng mga kinaligtaan at sa halip na malirip at maalalala sa isang tabi sa isang silid ng isang gunita, ay ipinanghalip ng palayaw ng mga pangkaraniwang pangngalan?


*

Bakit kaydami ng salitang Ito, ang Ito at ang mga Ito,
upang buong katiyakang ipanduro sa mga bagay na hindi naman sigurado,
may bigat ang iyong bigkas na tila ba’y ika’y tiyak na tiyak.
At tatantiyahin ko ang mga Ito’t ito
Bilang ang aking Lahat: absoluto at ganap.
Uulit-ulitin ko ang mga salitang ito hindi dahil ito
Lamang ang mayroon ako, ngunit sa kayamanan
Ng mga pantig at sa karukhaan ng mga pintig
Itinatatatak ko sa iyong isip ang kalabisan ng titik,
Ang lubhang kalabisan ng pag-uulit-ulit.

*

Bakit kaylapit ng salitang halika sa halik?
Ngunit bakit sa tuwing ikaw ay tatawagin ko
Sa aking tabi, halika sa aking tabi,
Sapagkat nanginginig ang kama sa titig ng gabi,
Halika, sapagkat nais kong sabihin ang halika
Nang paulit-ulit, halika, halika, hayaang mapuno
Ng halika itong madilim na silid

Sasagot ka ng katahimikang bitbit ang buong daigdig
At tila isang uniberso ang pagitan ng ating mga bibig.

Ang Historyador

Ano’t bakit laging kaylapit ng buntong-hininga
sa isang papel, ngunit kaylawak naman ng mundong
namamagitan sa di-mapunuang agwat?

Natatanaw niya sa hubad nitong kaputian
ang isang malawak na lawa, ang panginurin
ng dulo ng dagat na isang tuwid na tuwid

na linya, ang kumikinang na malayong dalampasigan
at mayamaya, ang malabong hubog ng bundok,
ang ilang naliligaw na galamay ng punong niyog.

Pagkatapos, niyo’y ang ginintuang buhanginan, ang pampang,
ang bangka, ang mga mangingisdang namamalakaya
at mga asawang naghihintay sa di-maapuhap na diwa

ng Historyador. Tunay na kaylayo ng distansiya
ng blangkong pilas sa mata ng Tagatala.
Isang malawak na dagat na puti’t tahimik


na naghihintay mabuntis. Saan ipapako ang lapis? Saan nakatuon
ang timon? Kailan namamahinga ang walang tigil
na paglikha? Kailan mabubulok na parang napupulbos na buto

ang mga isda? Kailan lulutang ang mabibigat na korales
para bumuo ng mga bagong isla, bagong kontinente,
bagong sibilisasyong sinupling ng karagatan

ng ating mga pag-ibig at paglimot? At ano ang ipapangalan
sa mga ipinanganay nating lupain, anong ibabansag sa mga bagong bansa
ng ating mga poot at ligaya? Saan natin iguguhit ang mga ito sa lawak

ng balat ng dagat? Matutunton kaya natin ito sa sandaling dumighay
ang lupa, umalsa ang dagat, lumindol, kumulog at kumidlat?
Ililigaw ba tayo ng malilikot na mga bitak, tupi, lawas, suson,

laman, bukol at kuweba ng ating mga katawan? Sa kisame,
matamang nakaamba ang butiki, tumitikatik ng pagsisisi
sa kanyang ngalangala at nakabanta ang kanyang ipot

sa lamesa. Nagmamadali naman sa paghabi
ng agiw ang gagamba sa isang sulok ng bubong,
nag-aabang ng malalampasan ng butiki at pangahas

na maglalambitin sa nilikha niyang sapot;
wala siyang huli sa magdamag kundi alikabok.
Kumakapit ang panahon sa nakasabit na agiw –

sa loob ng tahimik na silid na may ilang aklat
sa siksikang eskaparate, mga lukot ng papel sa sahig,
Isang lamesita, isang gasera, isang hubad na pahinang

magdidikta sa katanghaliang-tapat ng mga tadhana, ng mga pangyayari,
ng mga pagkakataong hindi mapagdugtung-dugtong ng Historyador.
Sadyang napakalawak ng di-makitang pagitan!