Icarus
Kunsakaling mapagdesisyunang
magpatangay sa pagpapailanlang,
hayaan munang timbangin
ng tiimbagang kong kamao
ang takdang bigat ng iyong puso -
itong puwersang umaangkin sa atin
sa dibdib ng matandang mundo ,
itong itinanim na magneto
sa sentro de grabedad ng bawat tao.
Sapagkat
bago ang lahat
bago ang tayog at taas
ang layo at lawak
bago ang lahat ng naisulat
tungkol sa maaring masukat
ng kalawakan ng pagdalumat,
narito't naririto na
ang pangangarap ng mga pakpak
at ang tawag ng paglipad.
Kaya sa sandaling ito,
hayaang maganap ang nakatakda't nararapat:
Hubdin sa katawan ang iyong saplot at dala-dala.
Hanguin ang hangin sa iyong hininga.
Hamunin ang halina ng lupa sa paa.
At damhin ang pakiramdam nitong hiwaga.
Buksan ang iyong dibdib
upang maiukit ng aking mga kuko
ang mga hiwa kung saan itatanim ko
ang mga unang balahibo.
Gugurlisan ko mula sa minapang balat,
laman at buto ang lugar
kung saan dudukutin ang iyong puso.
Saka mo ito titigan:
buhay na buhay na bato,
umaalagwa pa sa kapit ng aking kamao.
Pagmamasdan mo rin ang butas sa iyong dibdib,
ang kawalan ng lahat ng bigat ng daigdig,
ang pagsaklot ng sikretong pusod ng tao sa lupa,
ang tuluyang pagsaklot ng nilalang sa kanyang Ina.
Sapagkat mula sa likod ng pinaghugutan
ay ang pamumukadkad ng pakpak
at ang hampos ng hambog ng unang pagaspas.
Mula rito, maaari ka nang maglayag -
pataas nang pataas -
hanggang maiwan na lamang sa aking tanaw
ang bakas ng iyong huling kislap.
Kunsakali namang mapagdesisyunan
bumalik sa dating anyo,
lumapag sa lupa
at muling magkatawang-tao,
mangyari't kinakailangang
yakapin mo ang apoy,
nakawi't iuwi ang araw sa langit,
saka ko lamang ibabalik ang iyong puso
bilang tanging kapalit.