Flash Photography
Eric Gamalinda
salin ni Carlos Piocos III
Matagal na, ngunit maaring
isa ito sa mga nangamatay
sa kidlat: madaling mahinuha
kung paano napunit ang langit
na parang lamat sa bumbunan
ng nabitawang bungo. Tanging ang nakikita
lamang ang nalalaman.
Ipagpalagay na lamang na iyon
ay isang agos kontra sa pangkaraniwang
daluyong ng pang-araw-araw. Isang
batis ng yumao nang himala,
hindi sinasadya at walang saysay
sa kasalukuyan, isang daigdig na umiinog
sa pamahiin, sa salimuot.
Pinipili lamang ang nais alalahanin.
Walang pag-ibig sa paggunita,
kundi pagkatupok sa liwanag
mula sa pagkalunod sa dilim
at pagkalulong sa nakalalason.
Maaring retrato ng
di gumagalaw, imortal, imoral.
O mas nakababalam, na parang sinasabi
na lahat ng ating nawala
ay mananatiling nawawala,
at ang litrato ay isang paraan lamang
ng hindi paghahanap,
at ang tanging pag-asa ay ang lente,
itong aparatong walang pakialam,
ay makagagawa ng paraan
upang mapalitan ang lahat ng liwanag
mula sa mga nagpakahulugan
sa mga itinatago nating takipsilim,
at ang paningin
ang tanging hindi nakapapansin sa lagim
ng katotohanang tayo ay nag-iisa,
na ang mundo ay nakakaligta.
At sa huli, hindi gunita kundi pangungulila
ang aangkin sa lahat,
at bilang kabayaran,
pumupuslit tayo ng alaala
para sa lahat ng nawala’t lumisan.