Markus
(*Yung huling linya ng tula: pag-ibig, pag-ibig, pag-ibig, ay mula sa huling linya ng tula ni Romula Baquiran na "Tatlong Hiling" sa aklat na Onyx)
Ang mga susunod na tagpo
ay maari lamang makita
sa iyong pagpikit.
Ganito, ipagpalagay mong
may isang labing tikom
na lumulutang sa isang basong tubig.
Tunghayan ang himala
sa pagbuka ng mahiwagang bibig.
Tignan ang garalgal ng lalamunan
mula sa ilalim ng lalagyan,
ang piyok ng rabaw sa bawat kilapsaw,
ang lunok ng ngalangalang lumalangoy sa laway.
Masdan kung paano ipinagkakasya
ang lahat ng iyong hiling sa isang baso:
isang bibig sa isang dangkal na likido -
hindi umaapaw at hindi napupuno.
Ilublob mo ang iyong daliri sa tubig
at haluin ang timpla ng panaginip.
Haluin nang haluin hanggang magbuhol ang dila
sa sarili nitong bibig, hanggang malunod ang labi
sa sarili nitong halik.
Ipagpalagay mong
may isang basong tubig sa iyong harapan:
isang bibig na lumulutang,
isang pares ng labi,
dila, ngipin, gilagid,
ngalangala at lalamunan.
Ipagpalagay mong
maaaring maangkin sa pag-inom
ang isang tinig -
umaalingawngaw paulit-ulit:
pag-ibig, pag-ibig, pag-ibig*.